In Grey Hope
PART 1: Nightmare
Pagkatapos inumin ni Hadji ang malamig na tubig sa babasagin niyang baso, itinapon niya ang ilang gapatak ng tubig mula sa baso na iyon sa ashtray na nakapatong sa kanyang kama habang patuloy ang maigsi nang sigarilyo sa pag-usok. Sumagitsit ang baga ng sigarilyo sa hating-gabi tanda ng pagtatapos ng isang araw at ng kalahating gabi.
"Fuck the president. It’s time to sleep and get some rest. Fuck her." Sabi ni Hadji sa kanyang sarili. Tumayo siya mula sa gilid ng kama at lumakad patungo sa mababang kabinet na kinalalagyan ng kanyang telebisyon. Mabilis niyang pinindot ang buton ng telebisyong nag-iinit na sa paulit ulit na pagdaloy ng kuryete at pagbuga ng mga electrons, "Tonight on ANC… tskch." Namatay ang pagod na telebisyon at marahan siyang lumakad papunta sa gilid ng kwarto kung saan naroroon ang patayan at sindihan ng mga ilaw, at sa pagbilang niya ng isa…dalawa…tatlo… ay biglang lumapag ang dilim sa kabuuan ng kanyang malaking kwarto.
Gaya ng isang bulag, nilakad niya ang ilang hakbang papunta sa kanyang kama at kinapa ang mga unan. Ang unang mataba sa kanan kasama ang hotdog pillow, ang unang payat sa kaliwa kasama at unang mas mataba, at sa ulunan ang unang balingkinitan, di payat at di mataba. Humiga sya ng mabilis kasabay ng pagsara ng kanyang mga mata at kasabay din ng biglang pagbangon ng kanyang sekondaryang diwa.
Humilig siya sa kanyang kanan at niyakap ang mga unang katabi nya, sa kanyang isip patuloy na naglalaro ang mga balitang kanyang napanuod sa telebisyon at ang ilang mga bagay na gusto niyang mangyari kinabukasan sa kanyang paggising. Gaano man niya pilitin ang kanyang diwa na pumalaot sa kawalan, ay patuloy pa rin at ang iba’t ibang kulay na nagpipinta sa kanyang isip, ang ilang mga notang tumatalon mula sa tiklado ng isang piano papunta sa loob ng kanyang utak, ang ilang mga taong nagtatalumpati, kasama na duon ay ang ilang batalyon ng mga raliyista na sumisigaw ng "fuck the president".
Bigla-bigla sa gitna ng gabing yaon, nagulat ang kanyang mga mata na biglang binulag ng gakidlat na liwanag, sobrang bilis, sobrang liwanag, parang bumugang lusis na bigla ring namatay. Minulat nya ang kanyang mga mata upang tingnan kung may liwanag nga bang biglang dumaan sa kanyang harapan o kung ang mga natutulog na bumbilya ay biglang bumukas ng kusa. Ngunit patuloy ang katahimikan ng gabi at patuloy rin na patay ang liwanag. "Fuck that flickering light." sabi ng kanyang inaantoko ng kaisipan, pagod sa patuloy na pang-iistorbo ng mga istapa at mga kulay, ng mga raliyista at ng mga sigaw.
Napapagod na ang kanyang isip, at gusto ng magpahinga ng kanyang buong katawan kasama ang utak na tila umaalog mag-isa. Humilig siya sa kaliwa na may pag-asang mapapatulog siya ng mga unan sa gawing iyon, na silang kusang pipilay sa diwa nyang patuloy sa pagbalangkas ng mga imaheng kanina pa niya nakikita. Sa gitna ng gabing iyon, habang idinidiin ang pagkakapikit ng mga mata, ay bigla nyang narinig ang mabilis na pagbukas ng pinto sa kusina. Nagulat siya sa pangyayaring iyon at binalot ng takot ang kanyang buong katawa. Narinig nya ang marahang pagsasara ng parehong pinto, at narinig nya ang muling pagbukas nuon. Habang dumadagundong ang tunog ng mga yabag, alam niyang bumababa ng hagdan ang taong biglang pumasok. At ilang sandali pa ay bigla niya narinig ang kalansing ng metal ashtray na nanduon sa sala, ang langitngit ng pulang sofa, at ang tunog ng tila isang tinidor na paulit-ulit na iniuuntog salamin ng mesa sa gitna ng mga sofa. Alam niyang umupo ang tao duon sa sala, na parang namamasyal lamang sa isang malawak na parke, walang takot, walang pagkagambala, walang pagmamabilis. At sa kanyang isip, naglalaro maulit-ulit ang maaaring dahilan kung bakit pinasok ng taong iyon ang kanyang bahay, "papatayin nya ako".
Kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso, ay narinig nya ang pagdausdos ng mga tsinelas sa malalaking tiles sa sala, at ang pagyabag ng mga paa papalapit sa kanyang kwarto. Alam niyang nag-iikot ang taong iyon sa harap ng kanyang kwarto. Mabagal na lumalakad, biglang bibilis na tila tumatakbo, babagal muli… lalakas ang mga yabag, at sa muling paglapag ng katahimikan ay bigla niya narinig ang mabagal na pag-ikot ng knob ng kanyang pinto. Takot na takot sya, ngunit hindi nya magalaw ang kanyang buong katawan. Dumidiin ang pag-ikot ikot ng knob, pabilis na pabilis, tila nagagalit na ang tao sa kabila ng pinto. Narinig nya ang tila kutsilyong pilit na nilalapat sa puwang ng pinto na pinupwersang idulas ang dila ng lock.
Biglang namulat ang mga mata ni Hadji. Sorbang lakas at bilis ng pagtibok ng kanyang puso, gusto niyang bumangon, ngunit tahimik na tahimik na ang buong kwarto, wala na ang mga yabag, wala na ang tunog ng knob, ng kutsilyo, at ng pwersang nagbubukas ng kanyang pinto. Sa sandaling iyon, habang patuloy ang mabibilis na pagtibok ng puso, nagdasal siya at pinilit ituon ang isip sa imahe ng pinaniniwalaan niyang diyos.
Ilang minuto ang nagdaan, sa muling pagtiklop ng mga matang pagod na pagod, nakita niya ang kanyang sarili na nakayap na parang isang musmos na bata sa isang matandang nilalang, narinig niya ang malalim na boses ng matanda "ang tagal mo na dito." at sa kanyang pagtingala sa mukha ng nilalang, nakita niya ang mukha ng isang babaeng mestiza, ng isang matandang lalakeng puting puti ang buhok, ng bata babaeng kayumanggi ang balat, ng isang mandirigmang hari, ng isang prinsesang aleman, at duon nakaramdam siya ng pagkahimbing. Naalala niya ang kanilang mga mata, parepareho, at nasabi niya bago tuluyang nawala ang kanyang ulirat "sa paggising ko… tataya ako sa lotto."
Part 2: Traffic
"Bullshit kang cellphone ka!"
Makailang beses nag snooze ang alarm sa cellphone ni Hadji ng tig-teten minutes. Makailang ulit nyang narinig ang alarm tone na "Pinoy ako, pinoy tayo… ipakita sa mundo…" ngunit hanggang duon lamang umaabot ang tone na iyon sapagkat madaling nagigising si Hadji tuwing dadagundong ito upang gisingin sya, "Bang!" ang bagsak ng kanyang hinlalaki upang pindutin ang buton ng "SNOOZE". Sa ika-apat na ulit ng alarm, bumangon na si Hadji mula sa kamang tila ginapangan ng tatlong buwayang nag-aaway dahil halos mahubad ang bed sheet na nakabalot sa queen size niyang kama. Tatlumpung minutos ang kailangang bawiin ni Hadji para di ma-late sa kanyang pagpasok sa opisina, tatlumpung minutos na itinigal nya sa kama. Nagbawas sya ng five minutes sa pagkain ng almusal, five minutes sa paliligo, five minutes sa pagdadamit, five minutes sa pag-gegel at pagsusuklay, at ten minutes sa pagtulala sa loob ng kama habang sinasambit sa kanyang isip "Kung mananalo ako sa lotto, di ako gigising ng maaga. Iikutin ko ang buong mundo, pupunta ako sa India at hahanapin ang mga dalai lama. Magbabar ako araw araw sa Manhattan, sa Essex, sa Jordanstown, sa Makati, at dun sa kanto. Sa gabi, magpipinta ako, iguguhit ko ang mukha ng mga nagsungit sa akin sa bawat araw, at gagawan ko ng exhibit sa library ng UP na pinamagatang ‘Nang Maubusan ng Regla si Lola’".
Pagtingin nya sa kanyang relong tila nalulusaw sa ketong dahil sa pagiging sobrang acidic ng pawis nya sa braso, nasambit nya sa kangyang isip "Okay lang, mabilis naman ako magtrabaho sa office.". Muli nyang inilapat ang mga mata sa dingding at pinagpatuloy ang pagmomonologue sa isip "Ayoko naman maging nars, ayoko kayang magpaligo sa mga pasyenteng di ko kaano-ano, at kahit sa pasensyang ano ko. Ayoko din naman maging doktor, ayoko kayang on-call araw at gabi, pati sa panaginip on-call ka. Ayoko naman maging programmer, ayoko kaya ng paulit ulit na system loops, at paulit-ulit na syntax error. E kung maging singer kaya?!!… pwede."
Nang di pa matapos ang isip sa kakapasyal sa alapaap ng kawalan, patuloy nyang nilakbay ang diwang kinatutuwaan nyang pangarapin… ang maging presidente "Ibabalik ko ang agrikultura sa Pilipinas, buong Luzon at Mindanao. Sa Visayas naman, ilalagay ko ang ibat ibang lupon ng mga researchers at mga estudyanteng gustong maging scientist. Sa Luzon, ilalagay ko ang taniman ng bigas at tubo, sa Mindanao naman ang gulay at iba pang mga prutas. Sa Bacolod, ilalagay ko ang mga magpapakabihasa sa medicine. Sa Iloilo, mga magpapakabihasa sa engineering. Sa Cebu, mga magpapakabihasa sa business and economics. Sa Tacloban, naman yung mga pang-olympics. Sa Tagbilaran, yung mga lawyers. Saan kaya yung mga pintor at manunulat?… o sige sa Hundred Islands na lang sila kasi kaylangan kasi small groups lang sila, kung hindi magkakaroon ng philosological warfare. OO nga tama!"
di pa tapos… ipagpapatuloy next week ang part 2, yosi break lang muna.

October 26th, 2005 at 10:42 am
Ay, bitin
Visit my other blog site: altashhethslair.blogspot.com
February 9th, 2006 at 7:53 am
It’s been a while since your last post. Too busy with your new passion? Hehehe. Will be looking forward to the next one
February 9th, 2006 at 7:53 am
It’s been a while since your last post. Too busy with your new passion? Hehehe. Will be looking forward to the next one
February 28th, 2006 at 6:50 am
Tag! Tag! Please visit my blog: prudencemadness.blogspot.com.